H1
H2
h3
small
large
huge
Tutulaan kitá, munti kong prinsesa,
Perlas ng silangan, at walang korona;
Lingkod ka ng bayang kung maalaala
Dahil nakíta kang lugmok sa umaga.
Wala kang medalya, gawad, o parangal
Na maitatampok sa gitna ng altar;
Ngunit may dambana ang iyong larawan
Sa puso ng madlang napaglilingkuran.
Di mo naman nais na maging balita
Ang pagkalinga mo sa maraming dukha;
Ang malasákit mo’y taal na adhikang
Kapuwa’y damayan, lalo’t may pinsala.
Tunay kang taliba: Nása unang hanay
Anumang panganib ang dapat labánan;
Kalong mo ang musmos ng kinabukasan,
Akay mo’y matandang dapat mong bayaran.
Tutulaan kitá, hindi mo man hiling,
Upang ang dibdib mo’y hindi magupiling;
Tula lámang ito, ngunit kung mapansin,
Maligaya akong ikaw ay naratíng.