al•pa•bé•to 1: tulad ng abakada, Romanisadong paraan ng pagsulat ngunit gumagamit ng dalawampu’t walong titik 2: pangkat o kalipunan ng mga titik na ginagamit para maisulat ang isang wika 3: pangkat o kalipunan ng mga simbolo o sagisag na kumakatawan sa mga titik
al•pa•hól : pagkaing gawâ sa hiniwà-hiwàng kamote at iniluluto sa asukal, gatas, o gatâ, at kaunting anís
al•pá•ka 1: hayop (Peruvian Ilama) na maamo at kahawig ng tupa, may mahabà at malasutlang balahibo o lana 2: telang yarì sa balahibo nitó
Alpha Centauri (ál•fa sen•táw•ri) : ikatlong pinakamakislap na bituin sa langit, kabílang sa konstelasyon ng Centaurus, at matatanaw lámang sa dakong timog ng kalawakan