á•wit 1: komposisyong inaawit; anyo ng panitikang may musika 2: uri ng mahabàng tulang pasalaysay na lumaganap noong panahon ng Espanyol, ibinubukod sa korido dahil sa sukat na lalabindalawahin 3: awiting-bayan na binubuo ng dalawang saknong na may dalawang taludtod, karaniwang kinakanta ng mga mandaragat at inihihimig sa paggaod 4: paghingi ng isang bagay
a•wí•ting-bá•yan : tradisyonal na awit, karaniwang may anyong pasaknong, may parirala at saknong na inuulit, at payak ang himig
Á•wit ni So•lo•món : aklat sa Bibliya na naglalamán ng mga tula ng pag-ibig na ipinalalagay na mula kay Solomon
aw•ná•sin : palumpong (Ardisia pyramidalis) na balahibuhin ang dahon, maliit ang kumpol na puláng bulaklak, at bilog ang puláng bunga na nagiging itim, katutubò at karaniwang matatagpuan sa mga gubat at bangin ng Filipinas
a•wóg : anting-anting na isinasabit sa mga punò o haláman para mapangalagaan ang mga bunga laban sa magnanakaw