ba•ngú•ngot 1: masamâng panaginip na maaaring humantong sa pagkamatay 2: talìng nagbibigkis at nagpapahigpit sa pantukod ng bubong
ba•ngús : isdang-alat o isdang-tabáng (Chanos chanos) na may pino at kulay gatas na kaliskis; pambansang isda ng Filipinas
bá•ngut 1: sa sinaunang lipunang Bisaya, busál 2: sa sinaunang lipunang Bisaya, tatô na inilalagay sa mukha, tulad ng maskarang nakatatakot
bang•yás : punongkahoy (Terminalia comintana) na tumataas nang 25 m, at may mabango at dilaw na bulaklak na pinakukuluan upang ipanggamot sa pagtataé
ba•ní 1: paghikayat sa sinuman túngo sa masamâ 2: maliit na punongkahoy (Pongamia pinnata) na tumataas nang 8-25 m, ginagawâng talì o lubid ang balát, at ginagamit sa paggawâ ng gamot, sabon, at kandila ang butó, katutubò sa Malaysia at Australia
ba•ni•dád 1: layon o gawain na maitampok ang sarili para hangaan ng iba 2: kawalan ng saysay o kabuluhan
ba•ni•dó•sa 1: walang tunay na halaga o importansiya; walang batayan; walang halaga 2: labis na ipinagmamalaki ang sariling itsura at katangian, ba•ni•dó•so kung lalaki
ba•níg 1: sapin sa sahig o katulad na rabaw, karaniwang gawâ sa nilálang bule, dahon ng sasá, bambán, o plastik at inilalatag para tulúgan o kaínan 2: latag ng katipunán ng maliliit na bagay, karaniwang aspile, gamot, selyo, at binubuo nang may tiyak na bílang