ba•lúng-sá•ging : baging na malakí at malakahoy, malapad ang dahon, dilaw ang bulaklak, at kumpol-kumpol ang bunga
ba•lus•bós 1: butil na natapon dahil sa pagkabútas ng sisidlan 2: ingay na likha ng pumapatak na tubig 3: daang gawâ ng agos ng tubig pagkatapos ng ulan 4: pagbabaha-bahagi ng inaning palay o trigo sa pamamagitan ng paglalagay sa kani-kaniyang lalagyan
ba•lu•sú•tan : bahagi ng palaisdaan na palakihan ng binhing bangus hanggang humabà nang isang dangkal
ba•lu•tak•ták 1: biniyak na kawayan at ginagamit upang magbutas sa lupa 2: kawayan na tinapyasan at pinalapad ang dulo upang ipang-ahon ng lupa mula sa makipot na bútas ng hukay
ba•lut•bót 1: pagdudugtong-dugtong sa mga bahagi ng bangka 2: pagsusuri sa isang bagay na nakatago o sa metaporikong paraan, pagsusuri sa konsensiya 3: paghalungkat sa lamán ng sisidlan dahil may hinahanap 4: paghahanap ng bagay na nakabaon sa malalim na súgat, karaniwang ginagawâ sa operasyong medikal