bicuspid (báy•kus•píd) : alinman sa walong ngipin na matatagpuan sa pagitan ng mga ngiping molar at cuspid
bi•dáy : uri ng haláman na may dahong pinakukuluan at ipinanliligo sa bagong panganak upang hindi mabinat
bíd•bid 1: a íkid b ang sinulid na iniiikid at ang karete na pinag-iikiran 2: matinding kombulsiyon 3: isdang-alat (Albula vulpes) na lumalaki nang hanggang 220 kg
bidding (bíd•ing) 1: panggilid na dekorasyon sa tela o damit 2: paghaharap ng bid 3: panahon ng pagharap at pagtanggap ng mga bid
bidet (bí•dey, báy•det) : mababaw at biluhabâng palanggana, may gripong sumusumpit paitaas ang tubig, at ginagamit sa paghuhugas ng puke at paligid nitó
bí•ding 1: sa pananahi, uri ng pagtabas 2: kulugó 3: ibon (family Alcedinidae) na may malakíng ulo at mahabà at matabâ ang tukâ 4: maliit na susulbot (Ceyx melanurus) na pulá ang tuka at nangingibabaw ang matingkad na dilaw na balahibo sa dibdib at ilalim ng pakpak