ban•sa•nâ : sa pagbílang ng labay na ginagamit sa paghahabi, ang labay na tig-apat ay tinatawag na tohol; kapag tigsampu ay kabig; bawat kabig ay may apat na kaugat; bawat kaugat ay may apat na sinulid, at ito ang tinatawag na bansanâ
bán•sil 1: gintong ngipin 2: metal na isiningit sa pagitan ng mga ngipin 3: sa sinaunang lipunang Bisaya, tulos na gintong sumusuporta sa halop ng ngipin
ban•sí•lay : punongkahoy (Ouratea augustifolia) na may dahong magkakapares at kahugis ng talim ng sibat
ban•tâ 1: pagpapahayag ng intensiyon o determinasyong magdulot ng pananakít, parusa, o pinsala bílang ganti 2: anumang nagpapahiwatig ng maaaring mangyari o dumatíng na pinsala, kasamaan, o dahas 3: bintáng 4: sa Batangas, sapantaha1 5: anumang nása isip hal bálak o panlilinlang kayâ tinatawag ding punông banta ang tao na mahilig magplano at maraming bagong idea
ban•tág 1: paggalaw-galaw o pagpapalambot, katulad nang kapag ang isang tao ay naglalakad-lakad 2: muling paglalâ ng papagalíng nang súgat o pílay dahil sa pagkilos ng pasyente
ban•ták 1: balsa na may layag at ginagamit sa pangingisda 2: kawit na ginagamit sa pangingisda, ikinakabit sa patpat ng kawayan 3: pagbatak sa pisì ng búsog upang makapanà
ban•ta•lí•naw : punongkahoy na biluhabâ ang dahon, putî ang bulaklak, katamtaman ang taas, at gamot sa ubo ang katas ng balát
bán•tam 1: alinmang maliit na lahi ng hayop, tulad ng manok, itik, o gansa 2: maliit ngunit agresibong tao
bantamweight (bán•tam•wéyt) 1: timbang sa ilang isports, nása pagitan ng flyweight at featherweight, 51-54 kg sa amateur boxing ngunit nag-iiba para sa propesyonal 2: atletang may ganitong timbang